Pansamantalang tumira sa bahay ampunan ang batang si Sue habang inaayos ang mga dokumento tungkol sa kung kanino siya mapupunta, sa nanay ba niya o sa tatay. Naghiwalay kasi noon ang mga magulang niya. Madalas siyang asarin sa ampunan kaya pakiramdam niya’y nag-iisa siya at pinabayaan na lang.
Isang beses lang din kasi sa isang buwan nakakadalaw ang kanyang ina at madalang niya ring makita ang kanyang ama. Lingid sa kanyang kaalaman, araw-araw pala siyang dinadalaw ng nanay niya kahit na pinagbabawalan siya ng ampunan. Sinabi ng ina ni Sue na lagi siyang pumupunta roon para kahit papaano ay masilayan niya ang kanyang anak at upang matiyak na mabuti ang kalagayan nito.
Naalala ko kung paano tayo mahalin ng Dios dahil sa kuwento ni Sue. Minsan, nararamdaman din natin na nag-iisa tayo at pinabayaan na lang habang hinaharap natin ang mga pagsubok sa buhay. Pero tandaan natin na binabantayan tayo ng Dios (SALMO 33:18). Tulad ng isang mapagmahal na ina, lagi tayong sasamahan ng Dios, hindi man natin Siya nakikita. Makapangyarihan Siya kaya magagawa Niya ang lahat para sa atin hindi tulad ng ina ni Sue na limitado lang ang kakayahan.
Binabanggit sa Salmo 91 kung gaano kabuti ng Dios bilang ama. Higit pa Siya sa isang kanlungan. Lagi tayong babantayan ng Dios na makapangyarihan sa lahat at tutugon Siya sa ating mga panalangin. Ililigtas Niya rin tayo sa oras ng kaguluhan (TAL. 15).