Hindi naging hadlang kay Marty ang pagiging paralisado para mag-aral muli. Malaki rin ang naging bahagi ng kanyang ina para matapos niya ang ito. Lagi siyang sinasamahan at tinutulungan ng nanay niya sa mga kailangan niya para sa eskuwelahan. Sinamahan rin siya nito sa entablado nang tatanggapin na ni Marty ang kanyang diploma. Naging posible ang pangarap niya dahil sa walang sawang pagtulong ng kanyang ina.
Alam ni Jesus na kailangan din ng tulong ng Kanyang mga tagasunod kapag aakyat na Siya sa Langit. Ang Banal na Espiritu ang tinutukoy ni Jesus na isusugo Niya upang tulungan sila sa lahat ng pagkakataon. Tuturuan at gagabayan sila ng Banal na Espiritu at sasakanila Siya (JUAN 14:17, 26).
Ang Banal na Espiritu ang tutulong sa mga alagad sa pagharap sa mga mahihirap na sitwasyon na hindi nila kaya habang ipinapahayag nila ang Magandang Balita ng pagliligtas ni Jesus. Ang Banal na Espiritu rin ang magpapaalala sa kanila ng lahat ng mga sinabi ni Jesus sa kanila (TAL. 26) tulad ng hindi sila dapat mangamba, dapat nilang mahalin ang bawat isa, na si Jesus ang buhay at muling pagkabuhay at marami pang iba.
Nakakaranas ka ba ngayon ng mga pagsubok na hindi mo kaya sa sarili mong lakas? Tandaan mo, bilang nagtitiwala kay Jesus, maaari kang humingi ng tulong sa Banal na Espiritu. At sa pamamagitan ng pagkilos sa iyo ng Banal na Espiritu, mabibigyan ng kaluwalhatian ang Dios na nararapat para sa Kanya.