Si Amy ay nakatira sa isang bansa kung saan ipinagbabawal ang pagpapahayag ng Magandang Balita. Isa siyang nurse sa isang malaking ospital roon. Dahil sa pagiging tapat sa tungkulin, lagi siyang napapansin. Marami sa mga katrabaho niya ang gusto siyang kilalanin nang lubusan. Tinanong nila si Amy at ginamit naman niya ang pagkakataong iyon upang ikuwento ang tungkol kay Cristo.
May mga naiingit naman kay Amy kaya pinagbintangan siya na nagnakaw ng mga gamot. Hindi naman iyon pinaniwalaan ng mga nakatataas sa kanya dahil sa maganda niyang reputasyon. Nahuli naman kung sino talaga ang kumuha ng mga gamot. Muli na namang tinanong si Amy tungkol sa kanyang pananampalataya dahil sa pangyayaring iyon.
Ang halimbawang ipinakita ni Amy ay nagpaalala sa akin sa sinabi ni apostol Pedro, “Ipakita nʼyo sa mga taong hindi kumikilala sa Dios ang matuwid ninyong pamumuhay. Kahit pinararatangan nila kayo ngayon ng masama, sa bandang huli ay makikita nila ang mga kabutihang ginagawa nʼyo at luluwalhatiin nila ang Dios” (1 PEDRO 2:12).
Kung mamumuhay tayo nang ayon sa nais ng Dios, magkakaroon ito ng magandang epekto sa mga nakakasalamuha natin. Maraming tao ang nagbabantay kung paano tayo kumilos at magsalita. Humingi tayo ng tulong sa Dios para Siya ang manguna sa mga iniisip at kinikilos natin. Sa pamamagitan nito, maaaring ang mga nakakakita sa atin ay magtiwala rin sa Panginoon.