Nagpasyal kami minsan ng asawa ko sa isang bahay na tinatawag na Fallingwater sa may Pennsylvania. Ang arkitektong si Frank Lloyd Wright ang nagdisenyo nito noong 1935. Wala pa akong nakikitang katulad ng bahay na ito na nakatayo sa isang talon. Sabi sa amin, kahit nasa kalagitnaan ito ng talon, masasabing matibay at ligtas ang bahay dahil malalaking bato ang nagsisilbing pundasyon nito.
Naalala ko tuloy ang sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad. Sinabi Niya na ang mga itinuturo Niya sa kanila ang magsisilbing matatag na pundasyon sa kanilang pamumuhay. Kung papakinggan nila ang Kanyang mga Salita at isasapamuhay ang mga ito, maitutulad sila sa taong nagtayo ng bahay sa pundasyong bato.
Hindi sila malulugmok hampasin man sila ng mga pagsubok sa buhay. Ngunit ang mga nakarinig pero hindi naman sumunod ay tulad ng isang tao na nagtayo ng bahay sa buhangin (MATEO 7:24-27). Mababasa naman natin sa 1 Corinto 3:11 na si Jesus mismo ang ating pundasyon kaya nararapat lamang na sa Kanya tayo sumandig.
Kapag nakikinig tayo sa sinasabi ni Jesus at sinusunod natin ang mga ito, itinatayo natin ang ating buhay sa matibay na pundasyon. Maaaring maitulad tayo sa Fallingwater, maganda at matatag dahil itinayo ito sa matibay na bato.