Nagkaroon ako noon ng construction project sa bahay ng aking anak na tatlong oras ang layo mula sa amin. Dahil malayo ito, gusto ko na matapos ito agad. Tuwing umaga, nananalangin ako na sana sa paglubog ng araw ay matapos na kami. Pero hindi iyon nangyari, sa dami ng kailangang gawin, hindi namin natapos ang proyekto ayon sa inaasahan ko.

Nagtataka ako kung bakit hindi iyon natapos sa takdang oras. Ano kaya ang dahilan? Nasagot iyon isang umaga nang tawagan ako sa telepono para ipaalam na naaksidente ang anak kong babae. Napuntahan ko siya agad dahil nakatira lang siya malapit sa bahay ng anak kong lakaki kung saan ako nagtatrabaho. Kung nagkataon na nasa bahay ako noon, hindi ko siya mapupuntahan agad para samahan at palakasin ang loob. Naisip ko na iyon ang dahilan kung bakit hindi ko agad natapos ang proyektong ginagawa ko.

Sa 2 Hari naman ay mababasa natin ang karanasan ng isang babae tungkol sa katotohanang hawak ng Dios ang ating buhay. Pumunta siya sa hari upang pakiusapan ito na ibalik ang kanyang lupain. Hindi niya alam, noong araw ding iyon ay may nagkuwento na sa hari tungkol sa kanya. Sinabi sa hari na binuhay ng Dios noon ang kanyang anak sa pamamagitan ni propeta Eliseo. Dahil doon, pumayag ang hari sa pakiusap ng babae (2 HARI 4:18-37; 8:5).

Hindi natin alam ang mga mangyayari pero tiyak tayo na gagamitin ng Dios ang lahat ng sitwasyon sa ating buhay para sa ikabubuti natin. Tulungan nawa tayo ng Dios na laging umasa sa Kanyang pagkilos sa araw na ito.