Kamakailan lang ay nalaman namin na may kanser ang asawa kong si Dan. Isang araw, kinausap siya ng kanyang doktor. Nakangiti niyang sinabi kay Dan na simulan niya ang bawat araw na nagpapasalamat sa Dios. Iminungkahi nito na mag-isip si Dan ng kahit tatlong bagay na nais niyang ipagpasalamat.
Sumang-ayon si Dan dahil alam niya na mas makikita niya ang kabutihan ng Dios sa pamamagitan ng pagpapasalamat. Simula noon, ipinagpapasalamat ni Dan kahit ang mga simpleng bagay tulad ng masarap na tulog, malinis na higaan at ang sinag ng araw.
Taos sa puso ni Dan sa tuwing nagpapasalamat siya. Gayon pa man, hindi ba mababaw ang pagpapasalamat sa mga simpleng bagay lang? Pinapahalagahan ba ng Dios ang ganito? Sa Sinabi ng Dios Salmo 50, “Hindi ko kailangan ang inyong mga baka at mga kambing” (TAL. 9). Sa halip na maghandog, nais ng Dios na taos puso tayong magpasalamat sa Kanya (TAL. 14, 23).
Lalong tatatag ang ating relasyon sa Dios kung magiging mapagpasalamat tayo tulad ng ginawa ng asawa ko. At kapag tumawag tayo sa Panginoon sa “oras ng kagipitan,” ililigtas Niya tayo (TAL. 15). Ibig bang sabihin nito ay gagaling si Dan sa kanyang sakit? Hindi natin iyon alam. Ang mahalaga sa ngayon, masaya si Dan sa pagpapakita ng lubos niyang pagpapasalamat sa pagmamahal ng Dios sa Kanya. Nagagalak siya na ang Dios ang kanyang Tagapagligtas, Manggagamot at Kaibigan.