Minsan, naghanap kami ng mekaniko para ayusin ang aming sasakyan. Dahil mukhang bata pa ang nahanap naming mekaniko, nag-alinlangan ang asawa ko. Iniisip niya na baka hindi nito kayang ayusin ang sasakyan namin. Ang pag-aalinlangan ng asawa ko sa mekanikong iyon ay maihahalintulad sa pag-aalinlangan ng mga taga Nazaret kung sino talaga si Jesus at kung ano ang kaya Niyang gawin.
Nang magturo si Jesus sa Nazaret, nagtanong ang mga tagaroon, “Hindi baʼt anak siya ng karpintero? (MATEO 13:55). Nagtataka sila kung paano nagagawang magpagaling at magturo ni Jesus. Tinanong din nila, “Saan kaya Niya nakuha ang karunungang iyan at ang kapangyarihang gumawa ng himala?” (TAL. 54). Sa halip na magtiwala, hindi nila kinilala si Jesus at ang mga himalang ginawa Niya. (TAL. 15, 58).
Maaaring mahirap din para sa atin na magtiwala sa Panginoon sa Kanyang karunungan at kapangyarihan lalo na sa mga pangkaraniwan na nating ginagawa. Iniisip kasi natin na hindi na natin kailangan ang tulong Niya sa mga bagay na ito. Dahil doon, hindi tuloy natin lubos na nararanasan ang kamangha-mangha Niyang pagkilos sa ating buhay (TAL. 58).
Pumayag na ang asawa ko na ipagawa sa batang mekaniko ang aming sasakyan. Mabilis naman nitong naayos ang sasakyan.
Maaasahan din natin ang Panginoong Jesus. Siya ang tutulong sa atin sa araw-araw.