Ilang taon na ang nakakaraan, pinangalanan namin ang aming Christmas tree na ‘Pag-asang Magkaanak.’ Matagal na kasi naming sinusubukang mag-ampon. Noong paskong iyon, umasa kami na magkakaroon na kami ng aampunin.
Tuwing umaga, nananalangin kami sa lugar kung nasaan ang Christmas tree. Ipinapaalala namin sa aming sarili na tapat ang Dios. Pero hindi sinagot ng Dios ang aming panalangin. Naitanong ko tuloy “Tapat pa rin ba ang Dios? May mali ba akong ginawa?”
May mga pagkakataon na hindi agad sinasagot ng Dios ang mga panalangin natin dahil mayroon Siyang nais ituro sa atin o nais Niya tayong ituwid. Hindi rin Niya agad sinasagot ang mga panalangin natin para manumbalik ang pagtitiwala natin sa Kanya. Sa Aklat ng Panaghoy, inilarawan ni Propeta Jeremias ang pagtutuwid ng Dios sa mga Israelita. Damang dama ni Jeremias ang sakit. Sinabi niya, “Pinana Niya ako at tumagos ito sa puso ko” (3:13). Sa kabila nito, ipinahayag ni Jeremias ang lubos niyang pagtitiwala sa Dios. Sinabi niya na walang hanggan ang pag-ibig, awa at katapatan ng Dios (TAL. 22-23).
Hindi ko tinanggal ang Christmas tree kahit tapos na ang Pasko. Itinuloy ko rin ang pananalangin tuwing umaga. Sa wakas, dumating din araw na may aampunin na kaming bata. Tunay na tapat ang Dios kahit ang pagtugon Niya minsan ay hindi ayon sa gusto natin at sa oras na nais natin. Pagkalipas ng maraming taon, gumawa rin ang mga anak ko ng maliit na Christmas tree na nagpapaalala sa amin na laging umasa sa katapatan ng Dios.