“May mensahe para sa’yo.” Ito ang sinabi sa akin ng babae sa isang pagtitipon habang inaabot ang isang piraso ng papel. Hindi ko alam kung kakabahan ba ako o magiging masaya. Nakahinga lang ako nang maluwag pagkatapos ko itong mabasa, “May pamangkin ka na!”
Maaaring makatanggap tayo ng maganda o masamang mensahe. Sa Lumang Tipan, ipinapaabot ng Dios ang Kanyang mensahe sa pamamagitan ng mga propeta, mensahe man ito ng pag-asa o ng paghatol. Pero kahit ang mga mensahe ng Dios ay tungkol sa paghatol, sinasabi Niya ito para magudyok sa mga tao na magsisi at manumbalik sa Kanya.
Mababasa naman sa Malakias 3 ang mensahe ng Dios tungkol sa pangako Niya na magsusugo Siya ng mensahero na maghahanda sa daraanan ng Panginoon. Si Juan ang tinutukoy na mensahero pero ipinahayag naman ni Juan ang pagdating ni Jesus, ang tunay na Mensahero (MATEO 3:11). Si Jesus ang katuparan ng pangako ng Dios. Para Siyang apoy na nagpapadalisay ng bakal o sabon na nakakalinis (TAL. 2). Lilinisin Niya ang sasampalataya sa Kanyang salita dahil nagmamalasakit Siya sa kanila.
Ang mensahe ng Dios ay pag-ibig, pag-asa at kalayaan. Isinugo Niya ang Kanyang Anak upang maging mensahero na nakikipag-usap sa paraang nauunawaan natin. Minsan, ang mensahe Niya’y nagtutuwid, pero kadalasan ito’y nagbibigay ng pag-asa. Mapagkakatiwalaan natin ang Kanyang mensahe.