“Ayaw ko pong mag-share” sigaw ng bunso ko. Ayaw niya pa kasing ipamigay ang ilan sa mga laruan niya. Napaikot ang mata ko sa pagiging isip-bata niya pero ang totoo, kahit tayong mga matatanda na ay may ganyan pa ring pag-uugali. Mahirap para sa atin ang magbigay kaagad sa iba na bukal sa ating puso.
Ngunit bilang sumasampalataya kay Jesus, tinawag tayo upang ibahagi ang ating mga sarili sa iba. Ganoon ang ginawa ni Ruth sa kanyang biyenang si Naomi. Sa kabila ng pagiging balo at mahirap ni Naomi at walang maitutulong kay Ruth, pinili pa rin ni Ruth na patuloy na samahan si Naomi. Nanumpa si Ruth na walang makapaghihiwalay sa kanila maliban na lang ang kamatayan. Sinabi pa ni Ruth kay Naomi, “Ang mga kababayan nʼyo ay magiging kababayan ko rin, at ang Dios ninyo ay magiging Dios ko rin” (RUTH 1:16). Ibinahagi ni Ruth ang kanyang taos-pusong pagmamahal, pagkalinga at pakikiramay kay Naomi.
Maaaring mahirap para sa atin ang gayahin ang ginawa ni Ruth. Pero tandaan natin ang naging bunga ng pagiging mapagbigay niya. Dahil sa kanyang pagbabahagi ng kanyang sarili kay Naomi, biniyayaan ng Dios si Ruth ng isang anak na lalaki, na magiging lolo ni Haring David. Ibinahagi naman ng Panginoong Jesus ang Kanyang buhay para sa atin. Siya ngayon ay dinadakila at naghaharing kasama ng Dios Ama sa langit.
Pagpapalain rin tayo kung handa tayong ibahagi ang ating mga sarili sa isa’t isa.