Ano ang nagbibigay ng direksyon sa iyong buhay? Nasagot ko ang tanong na ito nang mag-aral ako kung paano magmotor. Bahagi ng aming pagsasanay doon ay ang tungkol sa target fixation.
Sinabi ng aking tagapagturo, “May mga pagkakataon na dahil sa sobrang pagtuon ng ating paningin sa isang bagay na iniiwasan, mas lalo pa tayong babangga rito.” Pero kung mas lalawakan natin ang ating pagtingin, tulad ng pagtingin din sa itaas, mas madali nating maiiwasang bumangga sa bagay na iyon. Sabi pa niya, “Kung saan nakatuon ang paningin mo, iyon ang direksiyon na pupuntahan mo.”
Ang simpleng prinsipyong iyon ay maaari nating isapamuhay. Kung masyado tayong nakatuon sa mga problema at paghihirap, doon na lamang iikot ang ating buhay. Kaya naman, hinihikayat tayo ng Biblia na sa Dios natin ituon ang ating paningin sa halip na sa ating mga problema. Sinasabi sa Salmo 121, “Tumitingin ako sa mga bundok, saan kaya nanggagaling ang aking saklolo? Ang tulong para sa akin ay nanggagaling sa Panginoon, na gumawa ng langit at ng lupa…Ang Panginoon ang nagiingat sa iyo; Siyaʼy kasama mo upang ikaw ay patnubayan” (TAL 1-2, 8).
Sa tuwing humaharap tayo sa mga matitinding pagsubok, tandaan natin na inaanyayahan tayo ng Dios na ituon ang ating paningin sa Kanya. Tutulungan Niya tayong malampasan ang mga ito.