Nagandahan si Krista sa isang parolang nababalutan ng snow na nasa tabi ng lawa. Kaya naman, naisipan niyang kunan ito ng litrato gamit ang kanyang cellphone. Dahil sa hamog sa suot niyang salamin, wala siyang makita. Itinapat na lamang niya ang kanyang cellphone sa parola at kumuha ng litrato na may iba’t ibang anggulo. Nang makauwi na siya, tiningnan niya ang mga litrato. Napagtanto niyang naka “selfie mode” pala ang cellphone niya. Puro mukha at sarili niya kasi ang makikita sa mga litrato. Natatawang sinabi ni Krista, “Puro sarili ko lang ang makikita, ako lang.” Naisip ko tuloy sa pangyayaring iyon ang mga pagkakamaling ating nagagawa. Mas nabibigyang-pansin natin ang ating sarili at hindi na nakikita ang magagandang plano ng Dios.
Pero ang pagkakamaling iyon ay hindi naman naging problema kay Juan na pinsan ni Jesus. Malinaw kasi kay Juan na hindi ang sarili ang dapat bigyang-pansin. Alam ni Juan ang kanyang layunin at dapat gawin. Ito ay ang ilapit ang mga tao kay Jesus, ang Anak ng Dios. Sinabi ni Juan nang papalit sa kanya si Jesus, “Narito na ang Tupa ng Dios!... Ngunit naparito akong nagbabautismo sa tubig upang ipakilala Siya sa Israel” (JUAN 1:29,31).
Nang ibalita naman ng mga alagad ni Juan ang tungkol sa pagdami ng tagasunod ni Jesus, sumagot si Juan, “Kayo na rin ang makakapagpatunay na sinabi kong hindi ako ang Cristo. Isa lang akong sugo na nauna sa kanya…Kailangang lalo pa Siyang makilala, at ako namaʼy makalimutan na” (3:28-30).
Ituon nawa natin kay Jesus ang ating sarili at buong puso natin Siyang mahalin.