Noong hindi pa ako sumasampalataya sa Panginoong Jesus, takot akong magkaroon ng relasyon sa iba. Ayoko kasing masaktan muli. Kaya naman, si Mama lang ang aking kaibigan hanggang sa maging asawa ko si Alan. Pagkalipas ng pitong taon, nanganganib na mauwi sa hiwalayan ang aming pagsasama. Noong mga panahong iyon, kinarga ko ang aking anak na si Xavier at pumunta kami sa pagtitipon ng mga mananampalataya. Umupo ako roon at umaasa ng saklolo.
Nagpapasalamat ako sa Dios dahil may lumapit sa amin at idinalangin ang aming pamilya. Tinuruan din nila ako kung paano magiging maayos ang aking relasyon sa Dios. Dahil sa pag-ibig ng Dios at ng mga mananampalataya, nagkaroon ng malaking pagbabago sa aking buhay.
Dalawang taon naman ang lumipas nang magdesisyon kami nina Alan at Xavier na magpabautismo bilang aming pagsunod kay Jesus. Nagtanong din si Mama tungkol sa pagbabago sa aking buhay. Makalipas ang ilang buwan, nagtiwala rin si Mama kay Jesus bilang kanyang Panginoon.
Binago rin ni Jesus ang buhay ni Saulo na kilalang malupit sa mga mananampalataya (GAWA 9:1-5). Tulad ko, may tumulong din kay Saulo para lubos pa niyang makilala si Jesus (TAL. 17-19). Kaya naman, ginamit ni Saulo ang pagbabagong iyon para ipahayag nang may katotohanan ang tungkol sa pagliligtas ni Jesus (TAL. 20-22).
Maaaring hindi kasing tindi ng mga nangyari kay Saulo kung paano tayo nagtiwala kay Jesus. Gayon pa man, kung makikita ng mga tao ang ginagawang pagbabago ng Dios sa ating buhay, magkakaroon tayo ng pagkakataon na maipahayag sa kanila ang pag-ibig ng Dios.