Minsan, nagbakasyon kaming mag-asawa sa ibang bansa. Nang may lumapit sa aming matipunong lalaki, natakot kami. Marami na kasing nangyaring masama sa amin doon. Nadaya kami, nasigawan at maraming beses na kinikilan ng mga tao sa bansang iyon. Pero nagulat kami sa ginawa ng lalaki, sinabi niya sa amin kung saan makikita ang magagandang lugar sa kanilang bansa. Pagkatapos, ngumiti siya, binigyan kami ng tsokolate at saka umalis. Ang kabutihang ginawa niya sa amin ang nagpaganda ng aming bakasyon. Kaya naman, malaki ang pasasalamat namin sa lalaking iyon at sa Dios.
Ano kaya ang nag-udyok sa lalaking iyon para lapitan kami?
Nakamamanghang isipin na nakapagbibigay ng ngiti ang paggawa natin ng simpleng kabutihan sa iba. Minsan pa nga dahil sa ginawa nating kabutihan ay nailalapit natin sila Dios. Binigyang-diin naman sa Biblia ang kahalagahan ng paggawa ng kabutihan (SANTIAGO 2:17, 24). Kung parang mahirap ang gumawa ng mabuti, sinisigurado sa atin ng Dios na tutulungan Niya tayo. At hindi lang iyon dahil noon pa ma’y itinalaga na Niyang gawin natin ang mga ito (EFESO 2:10).
Maaaring kumikilos ang Dios sa pamamagitan natin upang maipaabot Niya ang Kanyang tulong sa mga pinanghihinaan ng loob. Maaaring binibigyan din tayo ng Dios ng pagkakataong makatulong sa iba at maipakita ang Kanyang kabutihan. Ang kailangan lang nating gawin ay sumunod sa ninanais ng Dios na gawin natin.