Namamangha ako sa kapangyarihang taglay ng kapayapaan (FILIPOS 4:7) dahil nagagawa nitong payapain ang ating mga puso sa gitna ng pagdadalamhati. Naramdaman ko ito noong libing ng aking tatay. Gumaan ang loob ko nang makita ang isang dating kaibigan. Niyakap niya ako nang mahigpit. Ipinadama niya sa akin ang kanyang pagmamalasakit at nakapagbigay iyon sa akin ng kapayapaan. Ipinaaalala rin niyang hindi ako nag-iisa.
Sinabi naman ni Haring David sa Salmo 16 na nagmumula sa Dios ang tunay na kapayapaan at kagalakan. Hindi ito bunga ng pagbalewala natin sa sakit na ating nararamdaman. Sa halip, regalo sa atin ng Dios ang kapayaan na makakamtan natin kung magtitiwala tayo sa Kanya (TAL. 1-2).
May mga pagkakataon naman na lumalapit tayo sa mga dios-diosan dahil iniisip nating maiibsan nila ang lungkot na dulot ng kamatayan. Pero sa huli, ang pag-asang inaasahan natin sa mga ito ang magdudulot pa sa atin ng matinding paghihirap (TAL. 4).
Kaya naman, ang pinakamagandang gawin ay magtiwala tayo sa Dios. Dahil kahit na may kasamang pait ang ating buhay ay maganda pa rin ito at maayos (TAL. 6-8). Buong puso rin nating ipagkatiwala ang ating sarili sa mapag-arugang kamay ng Dios. Sa piling lamang ng Dios natin matatagpuan ang daan patungo sa tunay na kapayapaan at kagalakan na hindi kayang pawiin kahit ng kamatayan (TAL. 11).