Sino ako? Iyan ang tanong ng isang lumang laruan sa pambatang kuwento na isinulat ni Mick Inkpen. Pinamagatan niya itong Nothing. Sa kuwento, matagal na panahong naiwang mag-isa sa maduming attic ang laruang ito. Kaya naman, hindi na niya maalala ang kanyang pangalan. Minsan, narinig niyang tinawag siyang “nothing” ng mga taong nagliligpit sa attic. Inakala niyang iyon ang kanyang pangalan: Nothing.
Gayon pa man, unti-unti niyang naaalala ang tungkol sa kanyang sarili. Naalala niya na mayroon siyang buntot, balbas, at may mga guhit sa katawan. May nakilala rin si Nothing na isang laruang pusa. Tinulungan si Nothing ng pusang ito upang makabalik siya sa nagmamay-ari sa kanya. Sa kanyang pagbabalik, naalala na ni Nothing kung sino talaga siya.
Siya si Toby na isang laruang pusa. Nang makita naman muli si Toby ng nagmamay-ari sa kanya, buong pagmamahal siyang inayos nito at pinagmukhang bago.
Sa tuwing binabasa ko ang aklat na ito, napapatanong rin ako kung sino nga ba ako. Sinabi naman ni Apostol Juan sa kanyang sulat sa mga sumasampalataya sa Dios na tinawag tayong mga anak ng Dios (1 JUAN 3:1). Maaaring hindi natin lubos na maunawaan ang ibig sabihin nito. Pero, magiging malinaw ito sa mga mananampalataya sa muling pagbabalik ng Panginoong Jesus (TAL. 2). Kaya naman, kapag dumating na ang araw na iyon, tulad ng nangyari kay Toby, muli tayong isasaayos at ibabalik ni Jesus sa ipinagkaloob na pagkakakilanlan sa atin ng Dios noon pa man. Ito ay ang maging anak ng Dios.