Minsan kinailangan kong magmaneho ng gabi. Galing kasi kami ng katrabaho ko sa isang malayong lugar para tapusin ang isang trabaho. Medyo malabo na ang aking mga mata kaya may pag-aalinlangan akong magmaneho sa gabi. Pinili ko noon na mauna nang magmaneho. Habang nagmamaneho, napansin kong mas nakikita ko ang daan kapag naiilawan ito ng ibang sasakyan na nasa likod.
Nahihirapan talaga akong magmaneho ng gabing iyon. Kaya naman, laking tuwa ko nang palitan ako sa pagmamaneho ng aking katrabaho. Sa aming pagpapalit, nalaman niyang mali ang gamit kong ilaw kaya ako nahirapan magmaneho.
Gaano ba tayo kadalas makaranas ng isang sitwasyon na katulad ng sa akin na parang isang tao na nangangapa sa dilim dahil hindi makita ang daanan? Minsan, naliligaw tayo ng landas dahil nakalimutan nating alalahanin na gamitin ang Salita ng Dios na nagbibigay-ilaw sa ating daan. Lubos naman ang pagkaunawa ng sumulat ng Salmo 119 na ang Salita ng Dios ang ilaw na nagbibigay-liwanag sa ating pang-araw-araw na buhay (TAL. 105). Kaya naman, hinihikayat niya tayo na basahin at pagbulayan ang Salita ng Dios. Ano ang mangyayari kapag ginawa natin ito?
Makakapamuhay tayo nang may karunungan (TAL. 9-11). Magkakaroon din tayo ng kakayahan upang maiwasan ang paggawa ng masama (TAL. 101-102). At kung mamumuhay tayo sa liwanag, magiging tulad tayo sa sumulat ng Salmo sa kanyang pagpupuri, “Iniibig ko ang Inyong kautusan. Palagi ko itong pinagbubulay-bulayan” (TAL. 97).