Noong 1960s, may sumikat na kakaibang obra na tampok ang mga tao o hayop na mayroong malulungkot at malalaking mata. Si Margaret Keane ang lumikha ng mga obrang iyon. Ibinibenta naman ng kanyang asawa ang mga nilikha niya. Dahil doon, naging masagana ang buhay nila. Hindi inilalagay ni Margaret sa kanyang mga obra ang mismo niyang pangalan. Kaya naman, inangkin at ipinagmalaki ng kanyang asawa na siya ang gumawa ng mga obrang iyon. Dahil na rin sa takot, nanatiling tahimik si Margaret sa panlolokong ginagawa ng kanyang asawa sa loob ng 20 taon. Pero nang maghiwalay silang mag-asawa, nagpetisyon si Margaret sa korte. Doon, nagkaroon sila ng paligsahan sa pagpipinta para malaman kung sino talaga ang totoong gumawa ng obra.
Mali ang ginawang panloloko ng lalaki. Pero minsan, ganito rin naman tayong mga nagtitiwala kay Jesus. Hindi natin maiwasan na ipagmalaki ang ating mga talento. Maaaring hindi natin namamalayan na naipagmamalaki natin ang kakayahang mamuno o maging ang paggawa ng mabuti sa kapwa. Pero ating alalahanin na nagkaroon tayo ng mga talentong ito dahil sa kagandahang-loob ng Dios sa atin.
Sinabi naman ni Propeta Jeremias na hindi natin dapat ipagmalaki ang ating karunungan, lakas at kayamanan. Sa halip, ipagmalaki natin na kilala natin ang Dios at nauunawan nating Siya ang Panginoong “mapagmahal na gumagawa nang tama at matuwid dito sa mundo” (JEREMIAS 9:24).
Kaya naman, pasasalamatan natin ang ating dakilang Manlilikha. “Lahat ng mabubuti at angkop na kaloob ay nanggagaling sa Dios” (SANTIAGO 1:17). Ang lahat ng papuri at pasasalamat ay nararapat lamang sa Dios.