Isa akong nearsighted. Ibig sabihin, ang malalapit na bagay lamang ang aking malinaw na nakikita. Kaya naman, nagulat ako nang matanggap ko ang una kong salamin sa mata. Nakikita ko na kasi nang malinaw ang lahat tulad ng nakasulat sa pisara, ang maliit na dahon sa puno at ang magagandang ngiti ng mga tao kahit malayo.
Nang ngitian naman ako ng aking mga kaibigan, natutunan kong isang napakagandang regalo ang makita ka ng iba tulad din sa kakayahang makakita.
Ganito rin naman ang natutunan ng alipin na si Hagar noong tumakas siya sa amo niyang si Sarai. Buntis si Hagar at nag-iisa. Wala siyang inaasahan na may tutulong sa kanya at nawawalan na siya ng pag-asa. Gayon pa man, nakikita ng Dios ang lahat ng hirap na tiniis ni Hagar. Kaya naman, tinulungan ng Dios si Hagar sa pamamagitan ng isang anghel. Dahil dito, naniwala na si Hagar na totoo ang Dios. Tinawag pa ni Hagar ang Dios ng El Roi na ang ibig sabihin ay “Dios na Nakakakita.” Sinabi pa ni Hagar, “Tunay bang nakita ko ang Dios na nakakakita sa akin?” (GENESIS 16:13).
Tulad ni Hagar nakikita rin ng nakakakitang Dios ang bawat isa sa atin. Kaya naman, bakit natin naiisip na mag-isa tayo at hindi nakikita ng Dios? Nakikita tayo ng Dios maging ang ating kinabukasan kaya makita nawa natin na nasa Dios ang ating pag-asa. Makakatagpo tayo sa Kanya ng lakas ng loob, kagalakan at kaligtasan sa ating buhay ngayon at maging sa hinaharap. Purihin natin ang Dios sa Kanyang kagandahangloob at sa paningin na Kanyang ipinagkaloob sa atin upang makita ang nag-iisang Buhay na Dios.