Sa gitna ng labanan at pagputok ng mga kanyon, taimtim na nanalangin ang isang batang sundalo, “Panginoon, kung makakaligtas po ako dito, mag-aaral po ako sa Bible school.” Dininig naman ng Dios ang kanyang panalangin. Nakaligtas ang aking ama sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kaya naman, nag-aral siya sa Moody Bible Institute at iginugol ang kanyang buhay sa paglilingkod sa Dios.
May isa namang mandirigma na nagkaproblema nang iwasan niya ang pumunta sa labanan. Habang nakikipaglaban ang hukbo ni Haring David sa mga Ammonita, nagpaiwan siya sa kanyang palasyo. Dahil doon, nahumaling tuloy siya sa isang babaeng may asawa na (2 SAMUEL 11). Isinalaysay ni David sa Salmo 39 ang pinagdaanan niyang hirap dahil sa kasalanan niyang nagawa. Sinabi ni David, “Lalo pang lumubha ang paghihirap ng sarili...habang aking iniisip, lalo akong nalilito (TAL. 2-3 MBB).
Sa pagkalugmok ni David dahil sa kasalanan, napagbulayan niya ang kanyang kalagayan. Kaya naman, dumalangin si David sa Dios, “Panginoon, paalalahanan Nʼyo ako na may katapusan at bilang na ang aking mga araw, na ang buhay ko sa mundoʼy pansamantala lamang. Paalalahanan Nʼyo akong sa mundo ay lilisan” (T. 4). Sinabi pa ni David, “Panginoon, ano pa ang aasahan ko? Kayo lang ang tanging pag-asa ko” (TAL. 7). Napagtagumpayan ni David ang pagsubok na parang may digmaan sa kanyang kalooban kaya muli siyang nakapaglingkod sa Dios.
Mahalaga na nakatuon sa Dios ang ating bawat panalangin. Alalahanin natin na Siya ang ating pag-asa. Nais rin ng Dios na sinasabi natin sa Kanya ang mga nilalaman ng ating puso.