Naitala sa Guinness Book of World Records ang ginawa ni Randy Gardner. Hindi siya natulog sa loob ng 11 araw at 25 minuto. Nagawa ito ni Randy sa tulong ng paginom ng softdrinks, paglalaro ng basketball at bowling. Makalipas ang ilang dekada, nagkaroon si Randy ng matinding problema sa pagtulog. Naitala man ang ginawa ni Randy sa hindi niya pagtulog, naging matibay na ebidensya naman ito na mahalaga ang matulog.
Marami naman sa atin ang nahihirapang makatulog nang maayos. Maraming dahilan kung bakit hindi tayo makatulog nang mahimbing. Isa na rito ang pag-iisip sa napakaraming alalahanin. Iniisip natin ang mga dapat tapusin sa trabaho, ang takot na hindi natin magawa ang inaasahan sa atin ng iba at maging sa takbo ng buhay na ating ginagalawan. Kaya naman, nahihirapan tayong alisin ang mga alalahaning ito at magkapagpahinga.
Ipinapaalala naman ng sumulat ng Salmo na “Kung wala ang tulong ng Panginoon sa pagtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagtatayo nito” (SALMO 127:1). Gayundin naman, walang kabuluhan ang ating pagpapagod sa pagtatrabaho kung hindi ibibigay ng Dios ang ating pangangailangan.
Pero pasalamatan natin ang Dios “dahil [Siya] ang nagbibigay ng mga pangangailangan ng Kanyang mga minamahal, kahit silaʼy natutulog” (TAL. 2). Ipinapadama din ng Dios sa ating lahat ang Kanyang pagmamahal. Hinihikayat Niya tayo na ipagkatiwala sa Kanya ang ating mga alalahanin at mga ikinakatakot. Makakatagpo tayo ng kapahingahan sa kagandahang-loob ng Dios.