“Estera, may dumating na regalo para sa iyo na galing sa Tiya Helen mo,” sigaw ng aking ina. Dahil hindi naman kami mayaman, maituturing kong pangalawang pasko ang regalong iyon. Naramdaman ko ang pagmamahal, pagmamalasakit at pagpapahalaga sa akin ng Dios sa pamamagitan ni Tiya Helen.
Ganito rin marahil ang naramdaman ng mga biyudang tinulungan ni Tabita o Dorcas. Nagtitiwala kay Jesus si Dorcas na naninirahan sa Jopa. Kilala rin siya sa kanyang ginagawang kabutihan sa mga tao sa kanilang lugar. “Marami siyang nagawang mabuti lalung-lalo na sa mga dukha” (GAWA 9:36). Gayon pa man, nagkasakit siya at namatay. Noong panahong iyon, nasa kabilang bayan si Apostol Pedro. Kaya naman, agad pinuntahan ng mga tagasunod ni Jesus si Pedro at pinakiusapang magtungo sa Jopa.
Sa pagdating ni Pedro, ipinakita ng mga biyuda ang katibayan ng kanyang kabutihan “ang mga damit na tinahi ni Dorcas noong nabubuhay pa siya” (TAL. 39). Hindi naman natin alam kung ano ang sinabi ng mga biyuda kay Pedro. Pero sa gabay ng Banal na Espiritu, nanalangin siya sa Dios. Binuhay muli ng Dios si Dorcas. Ang kabutihan at kagandahang-loob na ipinakita ng Dios “ay napabalita sa buong Jopa, at marami ang sumampalataya sa Panginoong Jesus” (T. 42).
Gumawa tayo ng mabuti sa ating kapwa. Nang sa gayon, maramdaman at maisip nila na minamahal at pinapahalagahan sila ng Dios.