Lumalakas ang aking loob sa tuwing nagpupunta ako sa gym. Napapalibutan kasi ako sa lugar na iyon ng mga taong nagsusumikap din na lumakas at maging malusog ang kanilang katawan. May karatula din doon na nagpapaalala na huwag tayong manghusga ng kapwa. Sa halip, magbigay tayo ng mga salitang nakakapagpapalakas ng loob sa ating kapwa. Gayundin ang pagpapakita natin ng ating suporta sa kanila.
Ganito rin naman ang nangyayari sa buhay espirituwal ng bawat sumasampalataya kay Jesus. Maiparamdam din sana natin sa mga taong nagnanais mapalakas at mapatibay ang kanilang pananampalataya sa Dios ang ating suporta sa kanila. Sa gayon, hindi nila maramdaman na parang hindi sila nabibilang sa atin dahil mahina ang kanilang pananampalataya.
Hinihikayat din naman tayo ni Apostol Pablo na, “Patuloy [nating] pasiglahin at patatagin ang isaʼt isa” (1 TESALONICA 5:11). Ipinaalala pa ni Pablo sa mga mananamplataya na nasa Roma, “Sikapin nating lahat na itaguyod ang kapakanan ng ating kapwa para sa ikalalakas ng kanyang pananampalataya” (ROMA 15:2 MBB). Kaya naman, ipadama natin sa iba ang kagandahang-loob ng Dios na atin mismong nararanasan sa pamamagitan ng ating mga sinasabi at ginagawa na nakapagbibigay ng lakas ng loob.
Sa pagtanggap natin sa isa’t-isa (TAL. 7), ipagkatiwala natin sa Dios ang pagtatag ng ating buhay espirituwal sa tulong ng Banal na Espiritu. Mamuhay nawa tayong mga mananampalataya sa isang kapaligiran na laging nakapagbibigay ng lakas ng loob sa ating mga kapatid sa pananampalataya.