Marami ang nagbago sa buhay ng aking kaibigang si David nang magkaroon ng sakit na Alzheimer’s ang kanyang asawa.
Minsan, sinabi sa akin ni David na nagagalit siya sa Dios. Pero sa tuwing nananalangin daw siya, ipinapakita naman ng Dios ang kanyang pagiging makasarili at mga pagkukulang sa asawa niya. Umiiyak niyang ikinuwento sa akin na sampung taon nang may sakit ang kanyang asawa pero hindi niya ito lubos na naalagaan. Kaya naman, lahat ng ginagawa niya para sa kanyang pagmamahal sa asawa ay ginagawa niya rin para sa Panginoong Jesus. Sinabi pa ni David na isang napakalaking pribilehiyo ang maalagaan ang kanyang asawa.
Minsan, tinutugon ng Dios ang ating mga panalangin nang hindi ayon sa ating ninanais. Sa halip, binibigyan Niya tayo ng mga pagsubok upang magbago tayo. Nang magalit naman si Propeta Jonas sa Dios dahil kinahabagan ng Dios ang makasalanang bayan ng Nineve, nagpatubo ang Dios ng isang halaman upang bigyang lilim mula sa init ng araw si Jonas (JONAS 4:6). Pero, hinayaan ng Dios na malanta ito, kaya nagreklamo si Jonas. Sinagot siya ng Dios “May karapatan ka bang magalit dahil sa nangyari sa halaman?” (TAL. 7-9). Sarili lamang ang iniisip ni Jonas. Kaya naman, nais ng Dios na magbago si Jonas at hinikayat siyang isipin ang kapakanan ng iba at maging mahabagin.
Ginagamit naman ng Dios ang ating mga panalangin upang maturuan at tumatag tayo. Kaya buong puso nating tanggapin ang pagbabagong dala nito. Nais ng Dios na mabago tayo ng Kanyang pagmamahal.