Mahilig tumakbo, sumayaw, kumanta at maglaro si Ruby tulad ng ibang apat na taong gulang na bata. Pero madalas sumakit ang kanyang mga tuhod kaya agad siyang ipinasuri ng kanyang mga magulang. Nagulat sila sa resulta ni Ruby. Mayroon siyang kanser at malala na ito. Dahil doon, kaagad siyang dinala sa ospital.
Tumagal ang kanyang gamutan na umabot ng hanggang Pasko. Pero hindi siya makauwi dahil sa kanyang kalagayan. Kaya, naisip ng isa sa mga nars ni Ruby na maglagay ng isang mailbox sa labas ng kanyang kuwarto. Sa gayon, makapagpapadala ng sulat ang kanyang pamilya na makapagpapalakas ng loob ni Ruby. Naglalaman din ang mga sulat na iyon ng mga panalangin para gumaling si Ruby. Umabot naman ang panawagang ito sa Facebook at dumami ang nagpadala ng sulat kay Ruby. Sa bawat sulat na natatanggap ni Ruby, mas lumakas ang kanyang loob na lumaban at magpatuloy hanggang sa makauwi na siya ng kanilang bahay.
Sumulat din naman si Apostol Pablo sa mga taga-Colosas (COLOSAS 1:2). Naglalaman ang kanyang sulat ng mga salitang naka-pagbibigay ng lakas ng loob at pag-asa. Sa gayon, patuloy silang makakapamuhay nang may kasaganaan, karunungan, kalakasan, katatagan at may katiyagaan (TAL. 10-11). Naisip mo ba ang magandang epekto ng mga salitang ito sa mga mananampalatayang taga-Colosas? Ang malamang may nananalangin para sa kanila ang nagbibigay lakas sa kanila upang manatiling matatag ang kanilang pananampalataya kay Jesus.
Malaki ang nagagawa ng mga salitang nagbibigay ng lakas ng loob sa taong nangangailangan nito.