Maganda ang trabaho ng aking tiya kung saan nagagawa niyang magparoo’t parito sa Chicago at New York. Pero isang araw, iniwan niya ang trabaho niyang iyon para maalagaan ang kanyang mga magulang na nasa Minnesota. Siya na lang ang inaasahan nila dahil namatay nang maaga ang dalawa niyang kapatid. Para sa tiya ko, naisasapamuhay niya ang kanyang pananampalataya sa pamamagitan ng paglilingkod sa kanyang mga magulang.

Sa sulat ni Apostol Pablo sa mga taga-Roma, hinikayat niya sila na ibigay sa Dios ang kanilang mga sarili bilang mga handog na buhay, banal at kalugodlugod sa Dios (ROMA12:1). Nais rin ni Pablo na ipakita nila sa isa’t isa ang pag-ibig ni Cristo sa pamamagitan ng pagsasakripisyo para sa kapakanan ng iba. Sinabi pa ni Pablo sa kanila na huwag nilang pahalagahan ang sarili nila nang higit sa nararapat (TAL. 3) at matuto silang magpakumbaba lalo na kapag mayroon silang hindi pinagkakasunduan.

Dapat nilang alalahanin na kahit na marami sila, iisang katawan lang sila kay Cristo, at magkakaugnay sila sa isaʼt isa (TAL. 5). Nananabik si Pablo na ipakita ng mga taga-Roma ang pagmamahal sa isa’t isa na marunong magsakripisyo.

Binibigyan naman tayo ng pagkakataon sa bawat araw na makapaglingkod sa ating kapwa. Halimbawa, maaari nating paunahin ang iba kapag nasa pila tayo, o kaya nama’y tulad ng tiya ko, alagaan natin ang mga kakilala natin na may sakit. Puwede rin nating ikuwento sa iba ang ating mga karanasan na maaaring kapulutan nila ng aral. Kapag nagsasakrispisyo tayo para sa ating kapwa, napaparangalan natin ang Panginoon.