Minsan, may maliit na batang babae ang sinusubukang bumaba sa hagdan ng kanilang simbahan. Kahit wala pang dalawang taon ang bata, makikitaan na ito ng lakas ng loob at determinasyon. Nais niyang makababa hanggang sa dulo ng hagdan at nagawa niya iyon. Malaking bagay para sa bata na naroon ang kanyang ina. Hindi siya natakot dahil alam niya na nakahanda ang kamay nito upang tulungan siya. Ganoon din ang Dios sa atin. Laging nakahanda ang Kanyang mga kamay para tulungan tayo sa paglakbay sa mundong ito na puno ng mga pangyayaring hindi natin inaasahan.
Maraming mga batang natatakot at nababalisa ang napapanatag dahil pinapalakas ng kanilang mga magulang ang kanilang loob. Sa Isaias 41, mababasa naman natin na pinalakas din ng Dios ang loob ng mga Israelita. Sinabi Niya na huwag silang matakot o panghinaan ng loob dahil tutulungan at aalalayan Niya sila ng Kanyang kanang kamay (TAL. 10).
Sinabi pa ng Dios na Siya rin ang humahawak sa kanilang kamay (TAL. 13). Hindi sila dapat matakot dahil iingatan Niya sila sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan.
Nagbabago man ang mga sitwasyon sa ating buhay, hindi naman nagbabago ang ating Dios. Kaya naman, hindi tayo dapat mangamba (TAL. 10). Mapagkakatiwalaan natin ang Kanyang pangako na tutulungan Niya tayo. Alalahanin natin ang sinabi Niya na huwag tayong matakot (TAL.10,13).