Tinanong si Ernest Hemingway kung maaari siyang sumulat ng isang kuwento gamit lang ang iilang salita. Ito ang isinulat niya, “Ipinagbibili: Pambatang sapatos na hindi pa naisusuot.” Napakaganda ng naisulat niya dahil napaisip kami kung ano talaga ang nangyari sa kuwento. Hindi lang ba kailangan ng bata ang sapatos kaya hindi niya iyon naisuot? O kaya nama’y namatay ang bata sa isang malagim na trahedya at kailangan ng pamilya niya ang pag-ibig at kaaliwang mula sa Dios?
Pinupukaw ng mga magagandang istorya ang ating imahinasyon. Isa na rito ang kuwento ng Dios na nanghihikayat din sa atin na mag-isip. Nakasentro ito sa: Paglikha Niya sa lahat, pagkahulog ng tao sa kasalanan, pagparito ni Jesus sa mundo, Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay para iligtas tayo sa kaparusahan sa kasalanan, at paghihintay sa Kanyang pagbabalik para ayusin ang lahat.
Ano ngayon ang dapat nating isipin? Paano tayo dapat mamuhay dahil sa kuwentong ito? Kung aayusin ni Jesus ang lahat mula sa pagkasira, ano ang dapat nating tugon? Sinabi ni Pablo, “Iwanan na natin ang mga gawain ng kadiliman at isuot na ang kabutihan bilang panlaban nating mga nasa liwanag” (ROMA 13:12). Sa tulong ng Dios, piliin natin na mahalin Siya at ang ating kapwa (TAL. 8-10).
Gamitin natin sa paglaban sa kasamaan ang mga ibinigay sa atin ng Dios na mga kakayahan. Pag-isipan nating mabuti kung saan tayo higit na makakatulong. Sa gabay ng Dios, matulungan nawa natin ang mga nagdadalamhati na maranasan ang Kanyang katarungan, pag-ibig at kaaliwan.