Madalas akong abala dahil sa napakarami kong mga dapat gawin sa bawat araw. Lagi rin akong natataranta dahil sa kabi-kabilang appointments na dapat kong daluhan. Dahil doon, laging pagod ang isip ko. Pero isang araw, naisipan kong umupo sa duyan namin. Naiwan ko noon ang cellphone ko sa loob ng bahay kung saan naroon din ang asawa at mga anak ko. Wala talaga akong plano na magtagal sa duyan pero nahikayat akong manatili roon dahil sa mga magaganda kong napansin sa paligid. Dinig ko ang langitngit ng duyan, ang tunog ng bubuyog, at ang pagaspas ng ibon. Pinagmasdan ko ang kulay asul na langit at ang mga ulap na sumasabay sa ihip ng hangin.
Bigla na lang tumulo ang luha ko dahil sa pagkamangha sa pagiging malikhain ng Dios. Ang pagtigil sandali mula sa napakarami kong ginagawa ang nagbigay ng pagkakataon para mabigyang pansin ko ang magagandang likha ng Dios. Ito rin ang nag-udyok sa akin para sambahin Siya.
Lubos ding namangha ang sumulat ng Salmo 104 sa paglikha ng Dios kung saan ibinuhos Niya ang pagpapala at lumaganap sa daigdig (TAL.13).
Sa gitna ng ating mga kaabalahan, ang pagmamasid sa mga nilikha ng Dios ang magpapaalala sa atin ng Kanyang pagiging malikhain. Ang mga magagandang bagay na nakapaligid sa atin ang nagpapatunay ng Kanyang kapangyarihan at pagmamahal. “Nilikha [ng Dios] ang lahat ayon sa [Kanyang] karunungan” (TAL. 24).