Fika ang pangalan ng kapihan sa aming lugar na malapit din sa aking bahay. Isa itong wikang Swedish na ang ibig sabihin ay tumigil sandali para uminom ng kape at kumain ng tinapay kasama ang iba. Ipinapaalala sa akin ng salitang Fika ang isa sa mga gustong-gusto ko tungkol kay Jesus. Ito ay ang paglalaan ni Jesus ng panahon para tumigil sandali upang kumain at magpahinga kasama ang iba.
Ayon sa mga dalubhasa sa Biblia, laging may layunin ang bawat tagpo na kumakain si Jesus kasama ang iba. Isa sa layunin nito ang maipakita ang nais ng Dios para sa bansang Israel. Tulad ng bawat salu-salo, puno ito ng kagalakan, pagdiriwang at kapayapaan. Nais naman ng Dios na maging sentro ng kagalakan, pagdiriwang at katarungan sa buong mundo ang bansang Israel.
Hinihikayat naman tayo ni Jesus na tumigil muna sandali sa ating mga ginagawa at maglaan ng oras kasama Siya. Kung gagawin natin ito, lalo natin Siyang makikilala. Tulad sa tagpo na nakasama ng dalawang mananampalataya si Jesus nang mabuhay Siyang muli (LUCAS 24:30). “Nang kakain na sila, kinuha ni Jesus ang tinapay at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, pinaghati-hati Niya ito at ibinigay sa kanila. Nabuksan ang kanilang mga paningin at nakilala nila si Jesus” (TAL. 30-31). Kung hindi sila huminto para kumain, hindi nila malalaman na si Jesus ang kasama nila.
Kamakailan lang, nagpunta kami sa Fika ng aking kaibigan. Nagkape kami, kumain at masayang nagkuwentuhan. Hanggang sa napag-usapan namin ang tungkol sa Panginoong Jesus. Siya ang Tinapay na nagbibigay-buhay. Kaya naman, huminto muna sandali at maglaan ng oras sa hapag-kainan ni Jesus. Nang sa gayon, lalo natin Siyang makilala.