Nagpunta kami noon ng aking asawa sa New York. Isang gabi, nagpasya kami na magpunta sa isang kainan kahit maginaw. Humanap kami ng taxi sa pamamagitan ng isang app sa cellphone. Nagulat ako nang napakamahal ng pamasahe samantalang 3 milya lang naman ang layo ng kainan mula sa hotel na tinutuluyan namin. Ilang sandali pa, napagtanto ko na nagkamali pala ako ng inilagay na impormasyon sa app. Sa halip na sa kainan, nailagay ko ang address ng aming bahay na daan-daang milya ang layo!
Ikakapahamak natin ang pagkakaroon ng maling impormasyon. Laging hindi maganda ang resulta nito. Kaya naman, makabubuting sundin natin ang payo mula sa Kawikaan, “Huwag kang hihiwalay sa mabubuting aral, at pakinggan mong mabuti ang salita ng karunungan (23:12 MBB).
Ang karunungang tinutukoy dito ay ang karunungan ng Dios. Mapapahamak lang tayo kung hihingi tayo ng payo sa mga tumalikod sa Dios at sa mga mang-mang na nagpapanggap na alam nila ang lahat. Malilinlang lang tayo at maliligaw ng direksyon sa kanilang mga maling payo (TAL 9).
Nawa’y makinig tayo sa “salita ng karunungan” (TAL. 12 MBB). Tanggapin nawa natin ang mabubuting aral ng Dios na magbibigay sa atin ng malinaw na pag-iisip at pag-asa. Makinig din tayo sa mga taong malalim ang pagkaunawa sa pagkilos ng Dios na gagabay sa atin sa pagsunod sa Kanyang banal na karunungan. Kailanma’y hindi tayo dadalhin sa kapahamakan ng karunungan ng Dios kundi bibigyan tayo nito ng lakas ng loob at ganap na buhay.