Si Michele Perry ay isang misyonaryo mula sa South Sudan. Nang mapanood niya ang sampung taong gulang na si Viola na ginagaya ang isang pastor na nangangaral, binigyan niya ito ng pagkakataon na magsalita sa kanilang outreach. Sinabi ni Michelle, “Natuwa ang mga tao kay Viola. Bagamat inabandona siya ng kanyang mga magulang, hindi ito nagpahina sa kanya. Bilang anak na ng Hari ng mga hari, buong tapang niyang ipinahayag ang tungkol sa kaharian ng Dios. Sa pagkakataong iyon, kalahati ng mga naroon ang sumampalataya kay Jesus.”
Marahil, hindi inasahan ng mga tao na mangaral ang isang bata. Naalala ko sa pangyayaring iyon ang sinasabi sa Salmo 8 na isinulat ni David, “Kahit mga bata at sanggol ay nagpupuri sa Inyo kaya napapahiya at tumatahimik ang Inyong mga kaaway” (TAL. 2). Binanggit din ito ni Jesus sa Mateo 21:16 nang magalit ang mga namamahalang pari at mga tagapagturo sa mga batang nagpupuri kay Jesus sa templo ng Jerusalem.
Hindi natutuwa sa mga bata ang mga pinunong iyon. Sa pamamagitan ng pagbanggit dito ni Jesus, ipinakita Niya na pinahahalagahan ng Dios ang pagpupuri ng mga bata. Ginawa ng mga bata sa templo ang hindi nais gawin ng mga pari at tagapagturo, ang magbigay ng papuri sa Mesiyas.
Makikita natin sa ginawa ni Viola at ng mga bata sa templo na kahit ang mga musmos na tulad nila ay makakapagbigay ng kaluwalhatian sa Dios. Mula sa kanilang puso ay dadaloy ang pagpupuri sa Dios.