Minsan, nakasama kong kumain ang kaibigan kong si Sue at ang kanyang asawa. Natawa ako sa sinabi ni Sue, “Ipopost ko na lahat sa Facebook kahit ang mga hindi magaganda!”

May mabuting naidudulot sa atin ang Social Media. Nakakatulong ito para patuloy na makausap at maipanalangin ang ating mga kaibigan. Gayon pa man, may masama rin itong epekto. Halimbawa, maaari tayong mainggit sa ibang tao na puro magaganda lang ang ipinopost sa Social Media. Naiisip tuloy natin na napakaperpekto ng buhay nila kumpara sa buhay natin.

Nagdudulot lang ng lungkot ang pagkukumpara ng ating sarili sa ibang tao. Nang gawin iyon ng mga tagasunod ni Jesus (LUCAS 9:46; 22:24), agad Niya silang itinuwid. May pagkakataon din na ikinumpara ni Apostol Pedro ang sarili niya kay Juan. Sinabi ni Jesus kay Pedro na daranas si Pedro ng paghihirap dahil sa kanyang pananampalataya. Nakita noon ni Pedro si Juan at tinanong si Jesus, “Panginoon, paano naman po siya?” Sagot naman ni Jesus, “Kung gusto Ko siyang mabuhay hanggang sa pagbalik Ko, ano naman sa iyo? Sumunod ka sa Akin” (JUAN 21:21-22).

Itinuro ni Jesus kay Pedro kung ano ang pinakamabuting gawin para maiwasan ang pagkukumpara. Sa Dios lang natin dapat ituon ang ating paningin at sa lahat ng ginawa Niya para sa atin. Sa gayon, maiiwasan natin ang pagtuon sa sarili at mas magkakaroon tayo ng pagnanais na sumunod sa Kanya. Iwasan natin ang pagkukumpara ng ating sarili sa ibang tao. Maaasahan naman natin na minamahal tayo ng Dios at binibigyan Niya tayo ng kapayapaan.