Minsan, nagpost sa Facebook ang kaibigan ko tungkol sa isang proyektong natapos niya. Binati siya ng mga tao pero nasaktan ako dahil para talaga sa akin ang proyektong iyon. Hindi ko maintindihan kung bakit ipinasa iyon sa kanya.
May kaugnayan dito ang nangyari kay Jose. Dalawa sila na pinagpipilian para maging apostol na kapalit ni Judas. Nanalangin noon ang mga apostol, “Panginoon, Ikaw ang nakakaalam ng puso ng lahat ng tao. Kaya ipaalam N'yo sa amin kung sino sa dalawang ito ang pipiliin N'yo” (GAWA 1:24). Pagkatapos manalangin, nagpalabunutan sila at si Matias ang nabunot at idinagdag sa 11 apostol (TAL. 26). Samakatuwid, hindi si Jose ang pinili ng Dios.
Iniisip ko kung ano kaya ang naram-daman ni Jose habang binabati ng mga apostol si Matias. Paano kaya niya tinanggap ang nangyari? Naawa ba siya sa kanyang sarili at lumayo na lang sa kanila? O nagtiwala siya sa Dios at masayang nagpatuloy sa pagtulong sa kanila?
Kung tayo si Jose, marahil ang magiging tugon natin ay, “Kung ayaw n’yo sa akin, edi ‘wag. Tingnan ko lang kung anong mangyayari kung wala ako.” Maaaring makagaan ito ng loob pero pagpapakita naman ito ng pagiging makasarili.
Hindi na muling binanggit si Jose sa Biblia pagkatapos ng pangyayaring iyon kaya hindi natin alam kung ano ang naging tugon niya. Kung sakaling mangyari ang ganoon sa atin, alalahanin natin na higit na mahalaga ang paglilingkod sa kaharian ng Dios kaysa ang magtagumpay. Nawa’y maglingkod tayo nang may kagalakan ano mang tungkulin ang pinili ng Dios na italaga sa atin.