Noong 1995, napakalaki ng itinubo ng pera ng mga nag-invest sa stock market sa Amerika. Nasa 37.6% ang itinubo ng pera nila. Pero noong 2008, nalugi naman ng 37% ang mga investor noong panahong iyon. Dahil sa pabagu-bagong kita sa stock market, natatakot ang mga investor dahil walang katiyakan kung ano ang mangyayari sa perang pinuhunan nila roon.
Tiniyak naman ng Panginoong Jesus sa Kanyang mga tagasunod na hindi sila malulugi kung ilalaan nila ang kanilang buhay para sa Kanya. Sinasabi sa Aklat ng Marcos na iniwan ng mga alagad ang lahat ng mayroon sila tulad ng kanilang bahay, trabaho at pamilya para lamang sumunod kay Jesus (10:28). Pero nagaalala sila na baka walang mangyari sa pagsuko nila ng buhay kay Jesus. Nakita kasi nila ang isang mayamang lalaki na nahirapang isuko ang kayamanan bilang pagsunod kay Jesus.
Kaya naman, sinabi ni Jesus na ang mga handang iwanan ang lahat para sa Kanya ay “tatanggap sa panahong ito ng mas marami pa kaysa sa kanyang iniwan...At tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan sa darating na panahon” (TAL. 30). Higit na malaki ang pakinabang sa pagsunod kay Jesus kahit ikumpara pa ito sa malaking kita sa stock market.
Hindi natin dapat alalahanin kung malulugi ba tayo o tatanggap ng mas malaki pagdating sa ating pagsunod sa Dios. Makatitiyak tayo na hindi masasayang ang pagsuko ng ating buhay sa Kanya. Hindi kayang tumbasan ng salapi ang kagalakang mararanasan natin sa pagkakaroon ng magandang relasyon sa Panginoon.