Noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagtago si Anne Frank at ang kanyang pamilya sa isang sikretong lugar para hindi sila mapahamak. Dumarami na noon ang mga kaaway na nagsisidatingan sa kanilang bansa. Pagkaraan ng dalawang taon, nahuli sila at ikinulong sa concentration camp. Ganoon man ang nangyari, isinulat ni Anne Frank sa kanyang diary na, “Ang kabutihan at kaamuan ang pinakamatalim na sandata sa lahat.”
Sa Isaias 40, ipinakita ng Dios na bagamat Siya’y makapangyarihan, maamo rin Siya. Mababasa natin sa talatang 11, “Aalagaan Niya ang Kanyang mga mamamayan gaya ng pastol na nag-aalaga ng kanyang mga tupa.” Ngunit mababasa rin na, “Dumarating ang Panginoong Dios na makapangyarihan at maghahari Siya na may kapangyarihan (TAL. 10). Kahit na lubos na makapangyarihan ang Dios, maamo naman Siya sa pangangalaga sa mga mahihina.
Itinaob ni Jesus ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera sa templo pero naging maamo naman Siya sa mga bata. Tinuligsa Niya ang mga tagapagturo ng kautusan at mga Pariseo (MATEO 23) pero pinatawad naman Niya ang babae na nangangailangan ng habag (JUAN 8:1-11).
May mga panahon na kailangan nating magpakita ng lakas alang-alang sa pagtatanggol sa mga mahihina at para sa katarungan. Pero may mga panahon din na dapat na magpakita ng kaamuan at kagandahang-loob (FILIPOS 4:5). Sa ating paglilingkod sa Dios, ang ating lakas ay ang pagpapakita ng maamong puso sa mga nangangailangan.