Noong Pebrero 18, 1952, isang napakalakas na bagyo ang tumama sa Massachusetts sa Amerika. Nahati ang barkong SS Pendleton dahil sa bagyong iyon. Mahigit na 40 marino ang nakulong sa loob ng palubog na barko.
Nang makarating ang balita kay Bernie Webber na isang Coast Guard sa Chatam, Massachusetts, sumakay siya at ang tatlo pa niyang kasama sa isang lifeboat para puntahan ang mga marinong nasa peligro. Matapang nilang sinuong ang matinding panganib para lamang mailigtas ang mga marino. Ang ginawa nilang pagliligtas ay maituturing na isa sa pinaka ‘di-malilimutang pagliligtas sa kasaysayan ng US Coast Guard. Ginawa pa itong pelikula noong 2016 na may pamagat na The Finest Hours.
Sa Lucas 19:10, inihayag naman ni Jesus ang Kanyang misyon, “Ako na Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naliligaw.” Ang krus at ang Kanyang muling pagkabuhay ang patunay ng Kanyang pagliligtas. Inako ni Jesus ang parusa sa ating mga kasalanan at inayos ang ating nasirang relasyon sa Dios. Naranasan ng tao ang buhay na ganap at nagkaroon ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagliligtas ni Jesus na nangyari 2,000 taon na ang nakakalipas.
Isang pribilehiyo para sa ating mga nagtitiwala kay Jesus na maipahayag ang ginawa Niyang pagliligtas. Sa tulong ng Banal na Espiritu, maihayag nawa natin ito sa mga taong nangangailangan ng kaligtasan mula kay Jesus.