Ang inhinyerong Briton na si Edward Nairne ang nakaimbento sa pambura noong 1770. Sa mga panahong iyon, piraso ng tinapay ang ginagamit nilang pambura ng mga marka sa papel. Pero minsan, sa halip na tinapay, goma ang aksidenteng nakuha ni Edward para ipambura. Simula noon, ito na ang ginamit niya. Napatunayan niya na higit na maganda itong ipambura sa mga maling marka.
Mabubura o pinapawi rin naman ang ating mga kasalanan gaano man katindi ang mga ito. Si Jesus na siyang Tinapay na Nagbibigay-Buhay ang mismong maglilinis sa atin. Sinabi Niya, “Ako mismo ang naglilinis ng mga kasalanan mo para sa Aking karangalan, at hindi Ko na iyon aalalahanin pa” (ISAIAS 43:25).
Sa dami ng ating mga kasalanan, iniisip natin na hindi tayo karapat-dapat na patawarin. Mahirap paniwalaan na pinapawi ng Dios ang mga nagawa nating kasalanan tulad ng naglahong ulap. Magagawa bang kalimutan ang ating mga kasalanan ng Dios na nakakaalam ng lahat?
Tunay na papawiin ng Dios ang ating mga kasalanan kung magtitiwala tayo kay Jesus bilang ating Panginoon at Tagapagligtas. Patatawarin at kakalimutan na Niya ang mga ito. Magiging malaya na tayo at makapagpapatuloy sa ating buhay. Lilinisin Niya ang ating puso at makakapaglingkod na sa Dios ngayon at kailanman.
Hindi man natin matatakasan ang bunga ng ating mga kasalanan, makatitiyak tayo na pinatawad na ng Dios ang lahat ng mga kasalanan natin. Nais Niya na magsimula tayong muli at mamuhay nang ayon sa kalooban Niya.