Isang beses sa isang taon, ang namumuno ng Good Works, Inc. na si Keith Wasserman ay ilang araw na namumuhay bilang palaboy. Sa pamamagitan nito, mas nauunawaan niya ang mga taong nasa ganoong kalagayan. Layunin niya rin na mas lalong lumaki ang kanyang pagmamahal at habag sa kanila.
Naisip ko kung ang ginagawa bang iyon ni Keith na mamuhay nang tulad sa mga taong tinutulungan niya ay tulad ng ginawa ng Panginoong Jesus noon. Kahit na si Jesus ay Dios at Manlilikha, pinili Niyang pumarito sa mundo bilang isang sanggol, mamuhay bilang tao, maranasan ang mga nararanasan natin, at mamatay upang magkaroon tayo ng maayos relasyon sa Dios.
Sinasabi sa Aklat ng Hebreo na “naging tao rin si Jesus upang sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan ay malupig Niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan” (2:14). Naging mas mababa ang Kanyang kalagayan kaysa sa mga anghel kahit na Siya ang lumikha sa kanila (TAL. 9). Naging tao Siya at namatay kahit na Siya’y imortal. Dumanas Siya ng pagdurusa para sa atin kahit na pinakamakapangyarihan Siya sa lahat. Bakit Niya ginawa ang lahat ng ito? Ito’y para tulungan tayo sa panahong nahuhulog tayo sa tukso at upang maayos ang ating nasirang relasyon sa Dios (TAL. 17-18).
Tandaan natin na mahal tayo ni Jesus. Naiintindihan Niya tayo dahil naging tao Siya na tulad natin at gumawa Siya ng paraan upang maging malinis tayo mula sa ating mga kasalanan.