Marami akong nakakasalamuhang mga taong mahusay at mahinahon sa aking trabaho. Pero iba sa kanila ang naging supervisor ko sa isang proyekto. Kahit na maganda ang aming ginagawa, naging malupit siya sa amin. Dahil doon, pinanghinaan ako ng loob at parang gusto ko na ring sumuko.
Parang nais na ring sumuko noon ni Moises dahil ayaw pa ring palayain ng Faraon ang mga Israelita mula sa pagkakaalipin. Sa kabila ng mga matitinding salot na ipinadala ng Dios sa Egipto, matigas pa rin ang puso ng Faraon. Sinabi ng Faraon, “Umalis ka sa harapan ko! Huwag ka na ulit magpapakita sa akin, dahil kung makikita pa kita, ipapapatay kita” (EXODUS 10:28).
Pero sa kabila ng bantang iyon, nagpatuloy si Moises at ginamit siya ng Dios para mapalaya ang mga Israelita. Sinabi sa Hebreo 11:27, “Dahil sa pananampalataya, iniwan ni Moises ang Egipto at hindi siya natakot kahit na magalit ang hari sa kanya. Nanindigan siya dahil parang nakita niya ang Dios na hindi nakikita.” Napagtagumpayan ni Moises ang Faraon dahil sa pagtitiwala sa pangako ng Dios na ililigtas sila (EXODUS 3:17).
Maaari din tayong magtiwala sa pangako ng Dios na lagi Niya tayong sasamahan. Handa Siyang tumulong sa atin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Tutulungan Niya tayo na maging malakas, mapagmahal at magkaroon ng pagpipigil sa sarili sa mga sitwasyon na hindi maganda ang pagtrato sa atin (2 TIMOTEO 1:7). Pagkakalooban tayo ng Espiritu ng lakas ng loob na magpatuloy at sumunod sa ninanais ng Dios sa ating buhay.