Sinadya ng mahusay na basketbolistang si Jordan Bohannon ng Universty of Iowa na hindi ipasok ang kanyang free throw. Makakagawa sana siya ng kasaysayan para sa kanyang koponan sa araw na iyon. Malalampasan niya dapat ang naitalang record ng kanilang dating manlalarong si Chris Street, 25 taon na ang nakakaraan. Nakatala si Chris noon ng 32 na magkakasunod na free throw. Pero makaraan ng ilang araw, namatay sa isang aksidente si Chris. Pinili ni Jordan na bigyang parangal ang alaala ni Chris sa halip na isipin ang kanyang sariling tagumpay.
Ganoon din ang ipinakita ni David bago siya naging hari. Habang nagtatago siya noon sa isang kuweba kasama ng iba pa niyang kawal, nauhaw siya at nais niyang makakuha ng tubig mula sa balon na malapit sa pintuang bayan ng Betlehem (2 SAMUEL 23:14-15).
Matapang naman na pumasok sa kampo ng mga Filisteo ang tatlo niyang mandirigma upang kumuha ng tubig at dinala nila ito kay David. Pero sa halip na inumin, ibinuhos niya ito bilang handog sa Dios at sinabing, “Panginoon, hindi ko po ito maiinom dahil kasinghalaga ito ng dugo ng mga taong nagtaya ng kanilang buhay sa pagkuha nito” (TAL. 16-17). Kinilala ni David ang kahanga-hangang ginawa ng mga kawal niya.
Likas sa mundong ito na maging makasarili. Gayon pa man, nawa’y mas pairalin natin ang pagpapakita ng pagmamahal at pagsasakripisyo sa kapwa.