Noong panahon ni Hitler, maraming mga pinuno ng simbahan ang napapasunod niya dahil sa takot. May mga matatapang naman na hindi nagpasindak kay Hitler. Isa na rito si Pastor Martin Niemöller. Noong panahon ng mga 1970, napagkamalan na mas bata si Pastor Martin kumpara sa mga kasama niyang mga pastor kahit 80 taong gulang na siya. Hindi siya masyadong tumanda dahil hindi siya nagpapadala sa takot.
Naging matapang si Pastor Martin hindi dahil may kapangyarihan siya kundi dahil iyon sa tulong ng Dios. Pinakitaan siya ng kagandahang-loob ng Dios kahit na hindi maganda ang tingin niya noon sa mga Judio. Binago siya ng Dios at tinulungang mamuhay sa katotohanan at ipahayag ito nang walang takot.
Hinikayat naman ni Moises ang mga Israelita noon na huwag matakot at sumunod sa Dios. Nang matakot sila dahil nalaman nila na hindi na si Moises ang mangunguna sa kanila, sinabi ni Moises, “Magpakatatag kayo at magpakatapang. Huwag kayong matatakot sa kanila dahil ang Panginoon na inyong Dios ay kasama ninyo” (DEUTERONOMIO 31:6). Wala silang dapat ikatakot kahit hindi nila alam ang mangyayari sa hinaharap dahil kasama nila ang Dios.
Hindi rin tayo dapat matakot anuman ang panganib na haharapin natin dahil kasama natin ang Dios. Sa pamamagitan ng Kanyang kahabagan, nawa’y maharap natin ang ating mga takot nang may pagtitiwala sa Dios na hindi Niya tayo iiwan at hindi pababayaan (TAL. 6, 8).