“Gawin mong maganda ang araw na ito!” Ito ang maririnig sa voicemail ng kaibigan ko. Habang pinag-iisipan ko ang mga sinabi niyang iyon, napagtanto ko na hindi ko kayang kontrolin ang mga pangyayari para maging maganda ang aking araw. May mga pangyayari kasi na talaga namang nakakalungkot. Pero anuman ang ating sitwasyon, may makikita pa rin tayong dahilan para maging maganda o masaya ang ating araw.
Naranasan iyon ng propetang si Habakuk. Ipinakita sa kanya ng Dios ang mga mangyayari sa hinaharap kung saan hindi mamumunga ang mga halaman at mamamatay ang mga alaga nilang hayop (DEUTERONOMIO 3:17). Labis na paghihirap ang darating. Makakaranas ng matinding taggutom ang bansang Israel at nang marinig ito ni Habakuk, nanginig ang buo niyang katawan sa takot (TAL. 16).
Pero sa kabila noon, sinabi ni Habakuk, “Magagalak pa rin ako dahil ang Panginoong Dios ang nagliligtas sa akin” (T. 18). Ipinahayag niya na ang Dios ang kanyang pag-asa. Alam ni Habakuk na ang Dios ang nagbibigay ng lakas para makapagpatuloy sa mahihirap na sitwasyon (TAL. 19).
Makakaranas din tayo ng mga paghihirap at masasakit na pangyayari. At kung may mga bagay man na nawala sa atin o hindi man natin makamit ang mga gusto natin, maaari pa rin tayong magalak tulad ni Habakuk dahil sa ating relasyon sa ating mapagmahal na Dios. Hindi Niya tayo bibiguin at hindi rin pababayaan (HEBREO 13:5). Siya ang magbibigay ng kagalakan sa mga taong nagdadalamhati (ISAIAS 61:3).