Mahaba ang pangalan ng lola kong si Madeline Harriet Orr Jackson Williams pero mas mahaba ang kanyang buhay. Nabuhay siya ng 101 taon at dalawang beses siyang nabiyuda. Momma ang tawag namin sa kanya. Tumira kami ng mga kapatid ko sa kanya kaya kilalang-kilala namin siya. Malapit siya sa Dios at naging malaki ang impluwensiya ng kanyang pananampalataya sa aming magkakapatid.
Ayon naman sa 2 Timoteo 1:3-7, malaki rin ang naging impluwensiya sa buhay ni Timoteo ang kanyang lolang si Luisa at inang si Eunice. Ang Banal na Kasulatan ang kanilang gabay sa kanilang pamumuhay at pagtuturo na naging mabuting halimbawa kay Timoteo (2 TIMOTEO 1:5; 2 TIMOTEO 3:14-16). Dahil pinalaki si Timoteo sa gabay mula sa Salita ng Dios, naging matibay itong pundasyon sa kanyang relasyon sa Dios at naging kagamit-gamit sa kanyang paglilingkod sa Dios (1:6-7).
Noong panahon ni Timoteo at hanggang sa ngayon, gumagamit ang Dios ng mga kababaihan at kalalakihan upang maging magandang impluwensiya sa mga susunod na henerasyon. Magagamit ng Dios ang ating pananalangin, pagsasalita, pagkilos at paglilingkod para matularan ng iba habang nabubuhay tayo o kahit wala na tayo dito sa mundo.
Patuloy pa rin naming isinasapamuhay ang mga itinuro o ipinamana sa amin ng aming lola. At ang aking dalangin ay magpatuloy nawa ang iniwan niyang halimbawa sa mga susunod pang henerasyon.