Isang mahusay na mananahi ang aking lola na tinatawag kong Munna. Nireregaluhan niya ako ng mga tinahi niya tulad ng damit at kumot sa bawat mahahalagang pangyayari sa buhay ko tulad ng graduation at kasal ko. Binuburdahan niya ito ng, “Gawang Kamay ni Munna para sa’yo.” Ramdam ko sa bawat ibinibigay ng lola ko ang pagmamahal niya at naniniwala siya na may maganda akong kinabukasan.
Nagsulat naman si Apostol Pablo sa mga taga Efeso tungkol sa kanilang layunin dito sa mundo. Bilang nilikha ng Dios at sa pakikipag-isa nila kay Cristo, itinalaga sila upang gumawa ng kabutihan (2:10). Tulad ng mga magagandang tinahi ng aking lola, itinuturing tayong pinakamagandang likha ng Dios o ang Kanyang obra maestra.
Sinabi rin ni Pablo na ang pagkakalikha sa atin ng Dios ay magbubunga sa paggawa natin ng mabuti para sa Kanyang kaluwalhatian. Hindi tayo maliligtas sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa pero nang likhain tayo ng Dios para sa Kanyang layunin, maaari Niya tayong gamitin para ilapit ang iba sa Kanyang pagmamahal.
Nagtatahi ang lola ko upang maipaalam sa akin na mahal niya ako at ang pagnanais niya na mahanap ko ang aking layunin dito sa mundo. Para namang tinatahi ng Dios ang Kanyang pagmamahal at layunin sa ating mga puso upang maranasan natin ang Kanyang pagmamahal at maipakita ito sa iba.