Noong Nobyembre 2016, mas naging malapit ang buwan sa mundo. Bihira lang mangyari ang supermoon kung saan mas mukhang malaki at mas maliwanag ang buwan. Hindi ko naman ito nasilayan kung saan ako naroon pero nakita ko naman ang mga larawan ng napakagandang buwan na kuha ng mga kaibigan kong nasa iba’t ibang lugar. Habang nakatanaw ako noon sa langit, alam ko na nagtatago lamang ang buwan sa mga ulap.
Hinikayat naman ni Apostol Pablo ang mga taga-Corinto na ituon ang kanilang paningin sa mga hindi nakikita sa tuwing nakakaranas sila ng mga paghihirap. Sinabi niya sa kanila na panandalian lamang ang mga ito pero mananatili naman magpakailanman ang gantimpala na inihahanda ng Dios para sa kanila (2 CORINTO 4:17).
Maaari nilang ituon ang kanilang pansin sa mga bagay na hindi nakikita dahil mananatili ang mga ito magpakailanman (TAL. 18). Nais ni Pablo na tumatag ang pananampalataya ng mga taga-Corinto at patuloy na magtiwala sa Dios kahit na nakakaranas sila ng mga paghihirap. Hindi man nila nakikita ang Dios, mapagkakatiwalaan nila na Siya ang nagpapalakas sa kanila sa bawat araw (TAL. 16).
Noong araw na iyon na nakatingin ako sa ulap ngunit hindi ko makita ang buwan, naisip ko ang Dios na hindi rin nakikita pero nananatili magpakailanman. At kung sakaling may pagkakataong nag-aalinlangan ako sa katotohanang malapit ang Dios sa akin, itutuon ko ang aking paningin sa mga bagay na hindi nakikita.