Noong panahon ng Welsh Revival, inilarawan ng tagapagturo ng Biblia at manunulat na si Campbell Morgan ang kanyang napansin tungkol sa pagkilos ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng mga papuring awit. Isinulat niya na dahil sa musika, ang mga sumasampalataya kay Jesus ay nauudyukang manalangin, humingi ng tawad sa Dios at patuloy na umawit. Ito ang nagbubuklod sa kanila tuwing may mga pagtitipon sila.

Malaki rin ang bahagi ng musika noong panahon ng Lumang Tipan. Umaawit sila kapag ipinagdiriwang nila ang kanilang pagkapanalo (EXODUS 15:1-21). Sumamba sila sa Dios sa pamamagitan ng pagtugtog at pag-awit nang maghandog sila sa templo (2 CRONICA 5:12-14). Umawit din sila bilang bahagi ng kanilang pakikipaglaban (20:21-23). Makikita sa gitnang bahagi ng Biblia ang aklat na puno ng mga awit (SALMO 1-150).

Mababasa rin natin sa Bagong Tipan ang sulat ni Apostol Pablo sa mga taga-Efeso tungkol sa pag-awit, “Sa pagtitipon n'yo, umawit kayo ng mga salmo, himno, at ng iba pang mga awiting espirituwal. Buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon" (EFESO 5:19).

May mga hindi tayo pinagkakasunduan tulad ng paraan ng pagsamba at sa iba pang mga bagay pero maaari tayong pagbuklurin ng musika. Ang mga luma at bagong awitin ay ginagamit upang mangusap sa atin sa tulong ng Banal na Espiritu.