Sinabi ng cartoon character na si Winnie the Pooh, “Kung ang kausap mo ay parang hindi nakikinig sa sinasabi mo, pagpasensyahan mo na lang. Baka may maliit na tela na nakapasak sa kanyang tainga kaya hindi ka niya marinig.”
Kapag may ayaw makinig sa iyo kahit na makakabuti para sa kanila ang ipinapayo mo, baka tulad sila ng sinasabi ni Winnie the Pooh na may nakapasak sa tainga. Maaari din na may ibang nagiging hadlang tulad ng nararamdaman nilang hirap, pagkadismaya o kawalan ng pag-asa.
Sinabi ni Moises na hindi nakinig ang mga Israelita nang kausapin niya sila dahil nawalan na sila ng pag-asa sa sobrang pagpapahirap sa kanila (EXODUS 6:9). Ang ibig sabihin sa wikang Hebreo ng pagkadismaya o kawalan ng pag-asa ay literal na kakapusan ng hininga. Iyon ay dahil sa pagkakaalipin ng mga Israelita sa Egipto. Kailangan nila ng pang-unawa at kahabagan sa halip na paninisi o pamumuna.
Ano ang gagawin natin kung may ayaw makinig sa atin? Maaari nating sundin ang sinabi ni Winnie the Pooh, magpasensya tayo. Sinabi ng Dios, “Ang taong may pag-ibig ay mapagtiis, mabait...” (1 CORINTO 13:4). Maghintay lang tayo at matutong magtiis para sa taong iyon dahil ang Dios ang humuhubog sa kanya at kumikilos sa kanyang puso sa pamamagitan ng paghihirap na nararanasan niya, ng ating pagmamahal at mga panalangin para sa kanya. Darating ang araw na bubuksan ng Panginoon ang tainga ng taong iyon.