Madalas na nasa labas ng bahay ang tatay ko noon at laging may ginagawa tulad ng pagmamartilyo at pagtatanim ng halaman. Kung wala naman siya sa labas, makikita siya sa kanyang kuwarto na puno ng kanyang mga gamit at abala sa iba’t ibang gawain. Kaya kapag inaalala ko ang aking ama, iyon ang naiisip ko sa kanya. Lagi siyang abala sa paggawa tulad ng pagdidisenyo ng alahas at marami pang iba.
Naisip ko rin ang aking Ama sa langit at Manlilikha sa pag-alala ko sa aking tatay. Lagi ring abala ang Dios sa paggawa. Sa pasimula, Siya ang naglagay ng pundasyon sa daigdig at Siya rin ang nagpasya ng magiging lawak ng pundasyon at sukat nito habang sama-samang umaawit ang mga bituin sa umaga at nagsisigawan sa tuwa ang lahat ng anghel (JOB 38:4-7).
Maituturing na obra maestra ang bawat likha Niya. Siya ang nagdisenyo ng magandang mundong ito at lubos Siyang nasiyahan sa mga ito (GENESIS 1:31).
Kabilang tayo sa mga nilikha ng Dios. Siya ang nagdisenyo sa atin at kahanga-hanga ang pagkakalikha Niya sa atin (SALMO 139:13-16). At bilang Kanyang nilikha ayon sa Kanyang wangis, ipinagkatiwala at itinanim Niya sa atin ang layunin at pagnanais na gumawa tulad ng pamumuno at pangangalaga sa mundong ito at sa mga iba pa Niyang nilikha (GENESIS 1:26-28; 2:15). Anuman ang ginagawa natin, trabaho man o paglilibang, binibigyan tayo ng Dios ng kakayahan at ng mga kailangan natin para magawa ang mga ito nang buong puso. At gawin natin ang mga ito nang taos-puso para mabigyan ng kasiyahan ang ating Dios.