Sa isang paliparan, makikita ang isang nanay na buntis at kasama ang kanyang anak na nagwawala. Nagsisisigaw ang bata, sipa ng sipa at ayaw sumakay ng eroplano. Dahil sa pagwawala ng bata at sa hirap ng kanyang kalagayan sa pagiging buntis, naiyak na lamang siya.
Habang nasa sahig at umiiyak, pinalibutan sila ng mga anim o pitong kababaihan na hindi nila kilala. Binigyan sila ng mga ito ng pagkain at tubig, niyakap sila at kinantahan pa ang bata. Dahil sa pagmamalasakit na ipinakita ng mga kababaihang iyon, naging kalmado ang buntis at ang kanyang anak bago sila sumakay ng eroplano. Nagbalikan na sa upuan ang mga kababaihan at hindi na pinag-usapan ang ginawa nila. Gayon man, alam nila na napalakas nila ang loob ng buntis sa panahong kailangan na kailangan niya.
Mababasa naman natin sa Salmo 125:2 na, “Kung paanong ang mga bundok ay nakapalibot sa Jerusalem, gayon ang Panginoon ay nakapalibot sa Kanyang bayan, mula sa panahong ito at magpakailanman” (ABAB). Napapalibutan ang tila maingay at abalang lungsod ng Jerusalem ng Bundok ng Olibo, Bundok ng Zion at Bundok ng Moria.
Kung paanong napapalibutan ng mga bundok ang Jerusalem, nakapalibot din sa atin ang Dios para pangalagaan tayo ngayon at magkailanman. Kaya sa mga panahon na nahihirapan tayo, tumingin lang tayo “sa mga bundok” tulad ng ginawa ng manunulat ng Salmo (SALMO 121:1). Nakahanda ang Dios na tulungan tayo at bigyan ng pag-asa at walang hanggang pagmamahal.